...

Sunday, February 14, 2016

Tagahanga

“Mas mabuti ng magkagusto ka sa taong malayo sa'yo. Yung taong alam mong hanggang pangarap mo lang. Kasi, umpisa pa lang alam mo ng walang happy ending. Hindi mabibilog yung utak mong pakiramdam mo ay na sa fairy tale ka. Kasi nasa realidad tayo, at ang realidad sadista yan, palagi kang sasaktan. At least una pa lang di ka na aasa pa, di ka masasaktan.” Sabi niya.
“Ako, isa lang akong simpleng fan. At isa lang ang problema ko.” Nakita kong napakunot ang noo niya sa sinabi ko.
“Ano?”
“Na isa akong fan, isang tagahanga. Kasi, ayokong matapos ang buhay kong humahanga lang sa taong pinapangarap ko, sa taong di ko maabot. Ayokong hanggang ganoon lang ang takbo ng storya ko.” Tuloy-tuloy kong sabi sa kanya, diretsong tingin sa kanyang mga mata. Di kasi ako sang-ayon sa paniniwala niya.
“Ibig sabihin, hindi ka takot masaktan?”
“Takot siyempre, sino bang hibang ang gustong masaktan? Ikaw na nga ang nagsabing nasa realidad tayo, na palagi tayong masasaktan. Pero kasi Seff, di mo pa nakikita ang kabilang parte ng realidad, ang parte kung saan matatagpuan ang kaligayahan.”
Nakatingin lang siya sakin. Na para bang naghihintay pa sa susunod kong sasabihin.
Napatitig ako sa mata niya, ngayon ko lang napansin na may nagtatago pa lang kalungkutan rito, na siguro ay matagal niya na rin tinatago, maging sa sarili niya.
Pero wala, huli na, natagpuan ko na.
“Kung pilit mong tatakasan ang realidad, paano mo makikita ang tunay mong kapalaran? Paano mo makakamit ang tunay na kasiyahan kung di ka masasaktan? At paano ka makakabangon kung pilit mong ibinabaon ang iyong sarili sa kalungkutan? Hindi mo kayang harapin ang hinaharap, kung magkukulong ka lang sa nakaraan. Seff, alam mo ba, ang hirap maging isang tunay na tagahanga. Siguro di mo pa ito talagang nararamdaman kasi may iba ka pang tinatahak na storya pero kasi ako, talagang nainlove ako sa isang taong nasa kabilang mundo, sa mundong hindi ko kayang pasukin. At masakit yun, sobrang sakit.”
Napahinto ako sa pagsasalita ng bigla niyang hinawakan ang kamay ko, may iba kasi akong naramdaman. Pero pinagpatuloy ko pa rin ang kadramahan ko.
“Yung sinabi mong umpisa pa lang di ka na aasa, syete Seff! Umaasa ako, sa sobrang taas nga ng pag-asa ko, biglang di ko na nakayanan, bigla na lang akong bumagsak. Pero alam mo, ngayon, iba na ang iniisip ko, umaasa ako hindi na para sa koreanong yun! Kundi para naman sa sarili ko, umaasa akong makikita ko rin ang lalaking mag-aalis sa akin sa sinasabi nga nilang kahibangan ko.” At hindi ko alam, bigla-bigla niya na lang akong niyakap.
At dahil do'n, bigla nalang tumulo ang luha ko ng di ko namamalayan. Lalo na ng sinabi niyang,
“Wag kang mag-alala, tutulungan kita.”

-Notebook ni Fangirl @QwertyEzra(Wattpad)

No comments:

Post a Comment