Naniniwala siya sa wishing star at ako naman, palagi ko siyang sinasabihang bulalakaw lang iyon, na walang magic, na kapag hihiling ka lang, matutupad na.
“Wala namang masamang maniwala. At kung gusto mong maniwala, paniwalaan mo. Ikaw pa rin naman ang kumokontrol sa isip at puso mo. Malay mo, pag ito nagkatotoo.”
Naalala ko pang sabi mo at ang ngiting hindi ko maipaliwanag kung anong ibig sabihin. Matagal ko naman ng gustong maniwala diyan, pag nakikita kasi kita, ang saya-saya mo. Pero noong unang beses tayong nakakita ng wishing star, kasabay ng pagpikit ng mata mo at iyong paghiling ay ang pagpatak ng luha ko. Alam ko kasing kahit ilang libong beses pa akong humiling, hindi rin naman magkakatotoo, lolokohin ko lang ang sarili ko at sa huli masasaktan lang ako.
Matagal na akong may nararamdaman para sa iyo higit pa sa nararapat. Pero kahit kailan ay di ko binalak na sabihin ang totoo sa iyo. Wag na. Para saan pa?
Noong na sa high school na tayo, may pinakilala ka sa aming magandang babae. Pakilala mo pa nga ay iyong matalik na kaibigan. Pero halata ko namang may gusto ka sa kanya. Sa kinis ng kanyang mukha, maganda na pangangatawan, matalino at mabait, ganyan yung tipo mo.
Kaya pakiramdam ko noon, para akong nanliliit.
Buhaghag ang buhok ko, payat at maraming alaga sa mukha. Ano naman ang maipangtatapat ko sa kanya?
Naiinggit ako.
Noong nalaman kong kayo na, binati ko pa nga kayo noon. Sinabi kong masaya ako para sa inyo at sana magtagal kayo.
Plastic.
Dahil dito sa loob-loob ko, hindi na ako makahinga, naninikip yung dibdib ko. Siguro dahil sa sakit na nararamdaman ko. Nasasaktan ako. Naiinis ako. Nalulungkot. Naiingit.
Noong JS Promenade, ikaw ang escort ko. Grabe, hindi ko masukat kung gaano ako kasaya noon. Lalo na ng sinabi mong mukha na akong dalaga, na ang ganda-ganda ko na. Kinilig ako noon. Lalo na tuwing kinakausap mo ako, ang boses mo na para bang bumubulong ngunit sakto lang para marinig ko. Ang sweet ng atmosphere. Ang mga tinginan mo sa akin ay tulad ng mga tingin ko sa iyo. May kaakibat na mensaheng hindi ko mawari kung ano. Sana, wala ng katapusan ang oras na iyon. Kaso, lahat ay may hangganan.
Ikaw ang una kong sayaw at siya naman ang huli mo.
Naiwan na naman ako. Palagi na lang.
Nag-college na tayo. Bihira na lang kitang makita. Akala ko makakatulong ng malaki yun sa akin. Dahil minsan na lang kita makikita kaya baka mawala o kaya naman mabawasan ang pagmamahal ko sa iyo.
Pero, hindi pala.
Lalo lang lumalim ang pagmamahal ko sa iyo. Nakakainis. Alam kong wala naman itong patutunguhan, na lalo lang akong masasaktan, pero wala e. Tanga itong puso ko, ang tanga ko.
Kinatagalan, nabalitaan ko na lang na ikakasal ka na pala. Ang bilis pala talaga ng panahon. Kasingbilis ng panang tumama rito sa puso ko. Ang sakit, sobrang sakit malaman na ikakasal ka na sa kanya. Yung sakit at hirap na dinanas ko noon ay parang triple pa sa ngayon.
Pagtanggap lang naman at maging masaya para sa iyo ang maaari kong magawa. Na kahit mahirap, na tila napakaimposible.
Maraming beses kong naisip na paano kung ako yung kaharap mo sa altar ngayon. Siguro ang saya-saya ko na. Wala na akong mahihiling pa. Pero hindi e, hindi ako, at kahit kailan hindi magiging ako.
Siguro ayan na yung matagal mong hinihiling sa bulalakaw na iyon ‘no? Siguro ang saya mo na ngayon dahil natupad na ito. Buti ka pa.
Masaya naman ako para sa iyo e. Masaya naman talaga ako dahil maipapakasal ka na sa taong mahal mo.
‘Hay nako, niloloko ko pa ang sarili ko.’
Masaya ako sa tingin ng iba, pero hindi nila alam na gusto ko ng umiyak, gusto ko ng matapos ito. Naninikip na naman ang diddib ko. Hindi na naman ako makahinga. Lalo na ng makita kong magkalapat na ang inyong mga labi. Ayoko na.
Pagkatapos ng kasalan na naganap. Nagpakalayo-layo na agad ako, yung lugar na walang nakakakilala sa akin. Pero matapos ang mga ilang buwan. Tumawag ka sa akin.
Ang saya ko, alam mo ba? Nang makita ko ang pangalan mo sa screen ng cellphone ko, nabuhayan ako. 'Naalala niya ako.’ Ang sabi ko pa sa sarili ko.
Hindi pala.
Naospital ang asawa mo. Kaya mo ako tinawagan. Nagulat ako at nalungkot para sa kanya. Ano kayang nangyari, anong lagay niya? Pero hindi ko alam, sa puso ko, parang may naramdaman akong tuwa?
Nagpunta ako sa ospital, nakarating na rin ako ng gabi. Niyakap mo ako pagkakita mo sa akin. Ang sarap sa pakiramdam, parang kahit isang iglap lang sumaya ako sa piling mo. Ang saya na sana , kung hindi ka lang umiiyak ngayon, nilalaan ang luha mo para sa kanya.
Unang beses kitang nakitang umiiyak ng ganito. Sabi mo, nag-aagaw buhay na siya ngayon. At nasaktan ako ng sabihin mong sana ikaw na lang ang nahihirapan wag lang siya. Hindi na naman ako makahinga sa sakit na nararamdaman ko ngayon.
Oo mahal kita, sobra. Pero mahal mo naman siya. Ang saya lang.
Umakyat ako sa rooftop, ang daming bituin sa langit. At tila parang nakikipaglaro pa sa akin ang tadhana, may nakita akong bulalakaw, wishing star.
Alam mo sa tingin ko, pag nakita mo ang gagawin o, matutuwa ka.
Dahil ng makita ko iyon, agad akong pumikit at humiling na sana huwag muna siyang mamaalam.
'Minsan lang ako humiling sa iyo bulalakaw, pakiusap, dinggin mo naman.’
Ilang araw lang, bumuti na agad ang lagay niya.
Nang malaman ko iyon, umalis na agad ako ng di nagpapaalam.Pero siguro kahit na umalis ako, na kahit patuloy pa rin akong lumayo, patuloy pa rin kitang mamahalin.
Naiisip ko tuloy, paano kung ang hiniling ko sana sa bulalakaw na yun ay ang paggaling ko, matutupad rin kaya? Siguro hindi.
Humiga na ako sa kama ko, nanghihina. Pakiramdam ko, ngayon na ang tamang panahon upang lumaya sa sumpa ng buhay ko. Hindi ko na kaya, hindi ko na kayang labanan pa ang sakit ko. Hindi ko na kayang labanan ito kahit saglit lang upang siguro, masilayan ko pa ng kahit saglit ang mukha mo, marinig ang boses mo.
Heto na naman, naninikip ang dibdib ko, hindi na naman ako makahinga.
Akala ko noon, nagkakaganito lang ako dahil sa mga masasakit na nangyayari sa akin. Tuwing naiiwan ako, tuwing palagi lang akong suporta sa iyo kahit na nasasaktan ako, hindi pala.
Akala ko noon, magkakaroon pa ng pagbabago sa buhay ko, umasa ako. Pero hindi pala.
Dahil heto ako ngayon, hanggang sa huli kong hininga, minamahal pa rin kita. Iiwan na kita. Sana palagi mong kaakibat ang saya na kahit kailan ay di ko nakamtan. “Mahal kita, Kuya.” Ang huling sambit ko.
-Hindi Pala @QwertyEzra(Wattpad)
Happy Valentines.
ReplyDelete