Naglalakad kami patungo kung saan, masayang nag-uusap. Maya-maya'y sinabihan niya ako na ang bagal kong maglakad kaya hinila niya ako, hinawakan ang aking pulsuhan.
Sumunod lang ako, mabilis at malaki ang kanyang hakbang na parang nagmamadali. Ngunit sa pagtagal ng aming paglalakad, bumagal rin ang kanyang mga hakbang, tulad ng pagdulas ng kanyang kamay patungo sa aking kamay. Bawat daliri niya'y siniguradong makapasok sa puwang ng aking mga daliri.
Hindi ko alam kung ito ba'y tama. Hindi ko alam kung anong aking madarama, tuwa, kilig, ilang o takot. Sabay kaming napabitaw, tila nagulat, tila hindi alam ang ginagawa.
At kasabay ng aming pagbitaw, ay ang unti-unting paglayo sa isa’t-isa. Pumili ng landas kung saa'y di na muling magtatagpo pa. Tila natakot, natakot subukin ang kapalaran, natakot isugal ang pagkakaibigan. Kaya mas piniling lumayo, lumayo sa maaaring maging kahihinatnan... ang masaktan.
No comments:
Post a Comment