...

Sunday, February 14, 2016

Mas Mabuti Nga Siguro?

         Mas mabuti talagang magkagusto ka sa taong malayo sa'yo, ano? Minsan mo lang siyang makikita, yung tipong ang lakas ng impact niya sa'yo kapag andiyan na siya. Minsanan lang magparamdam, kaya todo kung kiligin.
          Kapag nasa malayo siya, bihira ka lang masaktan. Hindi mo makikita kung may kasama siyang iba, kung mayroon na siyang iba. Ang maganda pa dun, maiiwasan mong magselos, lalo na’t wala ka namang karapatan.
           Hindi mo na kailangang magpapansin sa harapan niya, hindi ka na rin aasa pa. Kasi umpisa pa lang, alam mo ng wala eh, alam mong walang “Happily Ever After” kasi alam mong sa una pa lang, hindi ka na yung bida sa kwento niya.
          Ang hirap kasi sa feeling yung kitang-kitang mo sa harapan mo yung bagay na hindi mo magugustuhan, yung bagay na nagdudulot ng sakit sa'yo. Mas mabuti pang pumikit, tumalikod at kalimutan na lang. Pero hindi eh, nakita mo. Nakita mo na. Nasaktan ka. Pero wala ka namang magagawa, kundi ang humakbang papalayo, umiwas sa realidad, patungo sa lugar na tanging ikaw lang ang nakakaalam.

Hindi Pala

Naniniwala siya sa wishing star at ako naman, palagi ko siyang sinasabihang bulalakaw lang iyon, na walang magic, na kapag hihiling ka lang, matutupad na.
“Wala namang masamang maniwala. At kung gusto mong maniwala, paniwalaan mo. Ikaw pa rin naman ang kumokontrol sa isip at puso mo. Malay mo, pag ito nagkatotoo.”
Naalala ko pang sabi mo at ang ngiting hindi ko maipaliwanag kung anong ibig sabihin. Matagal ko naman ng gustong maniwala diyan, pag nakikita kasi kita, ang saya-saya mo. Pero noong unang beses tayong nakakita ng wishing star, kasabay ng pagpikit ng mata mo at iyong paghiling ay ang pagpatak ng luha ko. Alam ko kasing kahit ilang libong beses pa akong humiling, hindi rin naman magkakatotoo, lolokohin ko lang ang sarili ko at sa huli masasaktan lang ako.
Matagal na akong may nararamdaman para sa iyo higit pa sa nararapat. Pero kahit kailan ay di ko binalak na sabihin ang totoo sa iyo. Wag na. Para saan pa?
Noong na sa high school na tayo, may pinakilala ka sa aming magandang babae. Pakilala mo pa nga ay iyong matalik na kaibigan. Pero halata ko namang may gusto ka sa kanya. Sa kinis ng kanyang mukha, maganda na pangangatawan, matalino at mabait, ganyan yung tipo mo.
Kaya pakiramdam ko noon, para akong nanliliit.
Buhaghag ang buhok ko, payat at maraming alaga sa mukha. Ano naman ang maipangtatapat ko sa kanya?
Naiinggit ako.
Noong nalaman kong kayo na, binati ko pa nga kayo noon. Sinabi kong masaya ako para sa inyo at sana magtagal kayo.
Plastic.
Dahil dito sa loob-loob ko, hindi na ako makahinga, naninikip yung dibdib ko. Siguro dahil sa sakit na nararamdaman ko. Nasasaktan ako. Naiinis ako. Nalulungkot. Naiingit.
Noong JS Promenade, ikaw ang escort ko. Grabe, hindi ko masukat kung gaano ako kasaya noon. Lalo na ng sinabi mong mukha na akong dalaga, na ang ganda-ganda ko na. Kinilig ako noon. Lalo na tuwing kinakausap mo ako, ang boses mo na para bang bumubulong ngunit sakto lang para marinig ko. Ang sweet ng atmosphere. Ang mga tinginan mo sa akin ay tulad ng mga tingin ko sa iyo. May kaakibat na mensaheng hindi ko mawari kung ano. Sana, wala ng katapusan ang oras na iyon. Kaso, lahat ay may hangganan.
Ikaw ang una kong sayaw at siya naman ang huli mo.
Naiwan na naman ako. Palagi na lang.
Nag-college na tayo. Bihira na lang kitang makita. Akala ko makakatulong ng malaki yun sa akin. Dahil minsan na lang kita makikita kaya baka mawala o kaya naman mabawasan ang pagmamahal ko sa iyo.
Pero, hindi pala.
Lalo lang lumalim ang pagmamahal ko sa iyo. Nakakainis. Alam kong wala naman itong patutunguhan, na lalo lang akong masasaktan, pero wala e. Tanga itong puso ko, ang tanga ko.
Kinatagalan, nabalitaan ko na lang na ikakasal ka na pala. Ang bilis pala talaga ng panahon. Kasingbilis ng panang tumama rito sa puso ko. Ang sakit, sobrang sakit malaman na ikakasal ka na sa kanya. Yung sakit at hirap na dinanas ko noon ay parang triple pa sa ngayon.
Pagtanggap lang naman at maging masaya para sa iyo ang maaari kong magawa. Na kahit mahirap, na tila napakaimposible.
Maraming beses kong naisip na paano kung ako yung kaharap mo sa altar ngayon. Siguro ang saya-saya ko na. Wala na akong mahihiling pa. Pero hindi e, hindi ako, at kahit kailan hindi magiging ako.
Siguro ayan na yung matagal mong hinihiling sa bulalakaw na iyon ‘no? Siguro ang saya mo na ngayon dahil natupad na ito. Buti ka pa.
Masaya naman ako para sa iyo e. Masaya naman talaga ako dahil maipapakasal ka na sa taong mahal mo.
‘Hay nako, niloloko ko pa ang sarili ko.’
Masaya ako sa tingin ng iba, pero hindi nila alam na gusto ko ng umiyak, gusto ko ng matapos ito. Naninikip na naman ang diddib ko. Hindi na naman ako makahinga. Lalo na ng makita kong magkalapat na ang inyong mga labi. Ayoko na.
Pagkatapos ng kasalan na naganap. Nagpakalayo-layo na agad ako, yung lugar na walang nakakakilala sa akin. Pero matapos ang mga ilang buwan. Tumawag ka sa akin.
Ang saya ko, alam mo ba? Nang makita ko ang pangalan mo sa screen ng cellphone ko, nabuhayan ako. 'Naalala niya ako.’ Ang sabi ko pa sa sarili ko.
Hindi pala.
Naospital ang asawa mo. Kaya mo ako tinawagan. Nagulat ako at nalungkot para sa kanya. Ano kayang nangyari, anong lagay niya? Pero hindi ko alam, sa puso ko, parang may naramdaman akong tuwa?
Nagpunta ako sa ospital, nakarating na rin ako ng gabi. Niyakap mo ako pagkakita mo sa akin. Ang sarap sa pakiramdam, parang kahit isang iglap lang sumaya ako sa piling mo. Ang saya na sana , kung hindi ka lang umiiyak ngayon, nilalaan ang luha mo para sa kanya.
Unang beses kitang nakitang umiiyak ng ganito. Sabi mo, nag-aagaw buhay na siya ngayon. At nasaktan ako ng sabihin mong sana ikaw na lang ang nahihirapan wag lang siya. Hindi na naman ako makahinga sa sakit na nararamdaman ko ngayon.
Oo mahal kita, sobra. Pero mahal mo naman siya. Ang saya lang.
Umakyat ako sa rooftop, ang daming bituin sa langit. At tila parang nakikipaglaro pa sa akin ang tadhana, may nakita akong bulalakaw, wishing star.
Alam mo sa tingin ko, pag nakita mo ang gagawin o, matutuwa ka.
Dahil ng makita ko iyon, agad akong pumikit at humiling na sana huwag muna siyang mamaalam.
'Minsan lang ako humiling sa iyo bulalakaw, pakiusap, dinggin mo naman.’
Ilang araw lang, bumuti na agad ang lagay niya.
Nang malaman ko iyon, umalis na agad ako ng di nagpapaalam.Pero siguro kahit na umalis ako, na kahit patuloy pa rin akong lumayo, patuloy pa rin kitang mamahalin. 
Naiisip ko tuloy, paano kung ang hiniling ko sana sa bulalakaw na yun ay ang paggaling ko, matutupad rin kaya? Siguro hindi.
Humiga na ako sa kama ko, nanghihina. Pakiramdam ko, ngayon na ang tamang panahon upang lumaya sa sumpa ng buhay ko. Hindi ko na kaya, hindi ko na kayang labanan pa ang sakit ko. Hindi ko na kayang labanan ito kahit saglit lang upang siguro, masilayan ko pa ng kahit saglit ang mukha mo, marinig ang boses mo.
Heto na naman, naninikip ang dibdib ko, hindi na naman ako makahinga.
Akala ko noon, nagkakaganito lang ako dahil sa mga masasakit na nangyayari sa akin. Tuwing naiiwan ako, tuwing palagi lang akong suporta sa iyo kahit na nasasaktan ako, hindi pala.
Akala ko noon, magkakaroon pa ng pagbabago sa buhay ko, umasa ako. Pero hindi pala.
Dahil heto ako ngayon, hanggang sa huli kong hininga, minamahal pa rin kita. Iiwan na kita. Sana palagi mong kaakibat ang saya na kahit kailan ay di ko nakamtan. 

“Mahal kita, Kuya.” Ang huling sambit ko.

-Hindi Pala @QwertyEzra(Wattpad)

Tagahanga

“Mas mabuti ng magkagusto ka sa taong malayo sa'yo. Yung taong alam mong hanggang pangarap mo lang. Kasi, umpisa pa lang alam mo ng walang happy ending. Hindi mabibilog yung utak mong pakiramdam mo ay na sa fairy tale ka. Kasi nasa realidad tayo, at ang realidad sadista yan, palagi kang sasaktan. At least una pa lang di ka na aasa pa, di ka masasaktan.” Sabi niya.
“Ako, isa lang akong simpleng fan. At isa lang ang problema ko.” Nakita kong napakunot ang noo niya sa sinabi ko.
“Ano?”
“Na isa akong fan, isang tagahanga. Kasi, ayokong matapos ang buhay kong humahanga lang sa taong pinapangarap ko, sa taong di ko maabot. Ayokong hanggang ganoon lang ang takbo ng storya ko.” Tuloy-tuloy kong sabi sa kanya, diretsong tingin sa kanyang mga mata. Di kasi ako sang-ayon sa paniniwala niya.
“Ibig sabihin, hindi ka takot masaktan?”
“Takot siyempre, sino bang hibang ang gustong masaktan? Ikaw na nga ang nagsabing nasa realidad tayo, na palagi tayong masasaktan. Pero kasi Seff, di mo pa nakikita ang kabilang parte ng realidad, ang parte kung saan matatagpuan ang kaligayahan.”
Nakatingin lang siya sakin. Na para bang naghihintay pa sa susunod kong sasabihin.
Napatitig ako sa mata niya, ngayon ko lang napansin na may nagtatago pa lang kalungkutan rito, na siguro ay matagal niya na rin tinatago, maging sa sarili niya.
Pero wala, huli na, natagpuan ko na.
“Kung pilit mong tatakasan ang realidad, paano mo makikita ang tunay mong kapalaran? Paano mo makakamit ang tunay na kasiyahan kung di ka masasaktan? At paano ka makakabangon kung pilit mong ibinabaon ang iyong sarili sa kalungkutan? Hindi mo kayang harapin ang hinaharap, kung magkukulong ka lang sa nakaraan. Seff, alam mo ba, ang hirap maging isang tunay na tagahanga. Siguro di mo pa ito talagang nararamdaman kasi may iba ka pang tinatahak na storya pero kasi ako, talagang nainlove ako sa isang taong nasa kabilang mundo, sa mundong hindi ko kayang pasukin. At masakit yun, sobrang sakit.”
Napahinto ako sa pagsasalita ng bigla niyang hinawakan ang kamay ko, may iba kasi akong naramdaman. Pero pinagpatuloy ko pa rin ang kadramahan ko.
“Yung sinabi mong umpisa pa lang di ka na aasa, syete Seff! Umaasa ako, sa sobrang taas nga ng pag-asa ko, biglang di ko na nakayanan, bigla na lang akong bumagsak. Pero alam mo, ngayon, iba na ang iniisip ko, umaasa ako hindi na para sa koreanong yun! Kundi para naman sa sarili ko, umaasa akong makikita ko rin ang lalaking mag-aalis sa akin sa sinasabi nga nilang kahibangan ko.” At hindi ko alam, bigla-bigla niya na lang akong niyakap.
At dahil do'n, bigla nalang tumulo ang luha ko ng di ko namamalayan. Lalo na ng sinabi niyang,
“Wag kang mag-alala, tutulungan kita.”

-Notebook ni Fangirl @QwertyEzra(Wattpad)

Magkaibang Landas

     Naglalakad kami patungo kung saan, masayang nag-uusap. Maya-maya'y sinabihan niya ako na ang bagal kong maglakad kaya hinila niya ako, hinawakan ang aking pulsuhan.
      Sumunod lang ako, mabilis at malaki ang kanyang hakbang na parang nagmamadali. Ngunit sa pagtagal ng aming paglalakad, bumagal rin ang kanyang mga hakbang, tulad ng pagdulas ng kanyang kamay patungo sa aking kamay. Bawat daliri niya'y siniguradong makapasok sa puwang ng aking mga daliri.
        Hindi ko alam kung ito ba'y tama. Hindi ko alam kung anong aking madarama, tuwa, kilig, ilang o takot. Sabay kaming napabitaw, tila nagulat, tila hindi alam ang ginagawa.
        At kasabay ng aming pagbitaw, ay ang unti-unting paglayo sa isa’t-isa. Pumili ng landas kung saa'y di na muling magtatagpo pa. Tila natakot, natakot subukin ang kapalaran, natakot isugal ang pagkakaibigan. Kaya mas piniling lumayo, lumayo sa maaaring maging kahihinatnan... ang masaktan.

Aasa pa ba?

          Mahirap umasa sa mga bagay na walang kasiguraduhan. Opinyon o pakiramdam mo man yan. Kapit ka ng kapit, hindi naman sigurado sa pinanghahawakan, baka mahulog ka lang, madapa, masaktan.

          Kung iisipin pa nga natin, sa panahon ngayon, punung-puno na ng pagbabago. Sa ngayon mahal ka niya, baka bukas hindi na. Mga tipong akala mo sigurado kana, hindi pa rin pala.

Saturday, February 13, 2016

Bakit?

             Marami ang naniniwala sa 5-minute rule, rule na kapag nahulog mo ang pagkain mo, basta wala pang limang minuto ay pwede pa, sayang kasi, lalo na kung nag-iisa na lang. Kapag nahulog ang piso, pupulutin pa din, kasi mahalaga, lalo na kapag pamasahe ang usapan. Pag nahulog na ang bola mula sa ring, may sasalo nito para tuloy pa rin ang laro, kadalasan pa nga ay pinag-aagawan ito.

            Pero... bakit ako? Nahulog sa'yo pero walang pumulot, walang sumalo.

Sabay Tayo

           Sabi mo sabay tayong tatalon, sabay tayong magpapahulog sa bangin ng pag-ibig. Sabay tayong magpapalunod sa agos ng damdamin. Pero bakit ako lang? Wala ka sa tabi ko nang tumalon ako. Tumingin ako sa taas, kung saan nagsimula ang lahat. Naroon ka, nakatingin sa akin. Akala ko susunod ka na, pero bigla ka na lang tumalikod at naglakad papalayo.

           Pilit kong sumigaw upang tawagin ka at magmakaawang bumalik, pero ni katiting na boses ay walang lumabas. Tanging pagpatak na lang ng luha ang aking nagawa. Isa, dalawa, tatlo. Walang tigil sa pagpatak.

           Sabi mo, sabay tayong tatalon, sabay tayong magpapahulog, sabay magpapakalunod pero heto ako, nag-iisa, umasa't iniwan.