...

Sunday, January 31, 2016

Patuloy na Umaasa

                Masaya daw maranasan ang umibig, masarap maranasang mahalin at magmahal. Tila nagbibigay kulay ito sa mundo mong ginagalawan. Mararanasan ang kilig na nagpapabilis ng tibok ng puso. Bawat sulyap at ngiti, maituturing mong buo na ang iyong araw. Bawat haplos kasabay ang pagsabi ng tatlong mahalagang salita ay magpaparamadam sayo na parang nasa pelikula ka na. Ngunit paano kung hindi? Paano kung mag-isa ka lang na nagmamahal? Saya pa rin ba ang iyong mararanasan?

                Sa bawat pagsulyap ko sayo ay alam kong masasaktan lang ako, dahil makikita lang rin kitang nakatingin sa kanya. Pinagmamasdan ang bawat galaw niyang nakakapagbigay ngiti sa iyong mga labi.

                Paano ba naman kasing ang nagbibigay saya sa'kin ay ang taong nakakapagbigay ng sakit rin dito sa puso ko. Siya na nakakapagpangiti sa'kin sa umaga ay siya rin nagpapaluha sa'kin tuwing gabi. Ang taong nagpapaliwanag sa mundo ko ay siya ring sumisira nito. Siya, siya na mahal ko na may mahal ring iba.

                Sabi nila, masarap, masaya ang magmahal, pero bakit iba ang kapalaran ko? Bakit kasi sa maling tao ko pa nailaan ang puso ko.

                Kailan kaya? Kailan kaya ako makakabangon mula sa pagkakahulog sa kanya? Umaasa ako na darating rin ang tamang panahon. Oo, darating rin 'yon.

No comments:

Post a Comment